Search This Blog

Pages

Thursday, June 10, 2010

Naglalakad sa Kawalan

Heto ako at nag-iisa, nag-iisip, nagmumuni-muni, naglalakbay ang diwa. Nagdarasal na sana ay matagpuan ang matagal nang hinahanap. Kasama ang bolpen at papel, isinulat ko ang nilalaman ng aking isip at naguguluhang damdamin. Ang buhay talaga ay puno ng surpresa. Di mo inaasahan bigla na lamang dumarating. Parang ito, bigla ko na lamang naisip. Di ko pinalano pero ginawa ko. Parang buhay pag-ibig ng tao. Di mo inaasahan pero dumarating--- nawawala. Minsan naisip ko, bakit nga ba tayo nagmamahal? Bakit kailangang mahalin natin ang isang tao para masabi nating mahal natin siya? Di ba puedeng mahalin na lang natin ang taong handang mahalin tayo? Natanong mo na rin ba ang sarili mo kung bakit mahal mo siya? Kung bakit patuloy kang naghihintay sa kanya? Bkit patuloy kang nagpapakatanga at nagpapakagago sa kanya? Minsan natanong ba natin ang ating mga sarili kung tama ba ang pagpapakahulugan ko sa salitang PAGMAMAHAL? Tama ba ang ginagawa ko? Dapat na ba akong sumuko? At kung dapat na ba akong magising sa katotohanan?
Ang pag-ibig nga naman. Nakakabaliw. Nakakabulag. Sa simula na magmahal at magpatangay ka sa iyong damdamin ay para kang isang taong NAGLALAKAD SA KAWALAN. Walang KASIGURADUHAN. Walang PATUTUNGUHAN. Walang HINIHINTAY.

Wednesday, June 9, 2010

PAGLALAKBAY

Bakit nga ba minsan ang buhay ay komplikado? Iyan ang aking naitanong sa aking sarili. Dahil ba sa ito'y isang mahabang lakbayin na kung saan kailangan nating sumabay sa biglaang pagbugso ng ihip ng hangin o dahil sa ito'y puno ng hiwaga at misteryo na kailangan nating tuklasin at mamalas?


Bakit nga ba ang paglalakbay natin sa buhay na ito ay sadyang di madali?


Maaari naman tayong magshortcut o di kaya'y magfastforward.Bakit di na lang natin gawing madali ang lahat?


Minsan ba'y naisip mo at naitanong mo sa iyong sarili kung bakit nga ba nagiging mahirap ang PAGLALAKBAY natin sa buhay na ito?


Marahil ay oo. Minsan sa sobrang traffic siguro ay naisip mo nang huminto, magpabangga o di kaya'y makipagsalpukan.


Wala naman talagang madaling PAGLALAKBAY sa buhay na ito. Kailngan lang nating sumuong at makipagsapalaran para matuklasan ang hiwaga at misteryo ng buhay para tayo ay MATUTO at MAGTAGUMPAY. Huwag ka lamang matakot na magkamali at madapa. Patuloy tuloy ka mang masugatan at masaktan, huwag kang SUSUKO.


Malubak o mabako ka man, patuloy kang MAGTIWALA at MANALIG sa KANYA; dahil sa PAGLALAKBAY nating ito, SIYA ay nandyan at inaalalayan tayo patungo sa isang daang di madali ngunit patungo sa isang daang kapupulutan natin ng mga aral na mababaon natin hanggang sa katapusan ng PAGLALAKBAY nating ito.


Lagi lang nating tatandaan na sa PAGLALAKBAY nating ito, marami kang makakasalubong at makikilala. Mabuti man o masama, maganda man o pangit.
Ang mahalaga ay NATUTO ka...

di natakot UMIYAK, TUMAWA, SUMUBOK at MAGKAMALI sa PAGLALAKBAY mong ito.

Tuesday, June 1, 2010

Mga Anak

Sa simula ng iyong unang magisnan ang pait at sarap ng mundong ibabaw ay nagsisimula ang isang tungkuling panghabang buhay nating tutuparin, isang responsibilidad na ating isasabuhay sapagkat tayo'y mga ANAK ng ating mga MAGULANG. Ito ang ating tungkulin- ang maging ANAK sa ating mga magulang.

Sa una nila tayong mapagmasdan sa unang pagkakataon, tuwa at saya ang kanilang naramdaman. Sa bawat pag-uha, kanilang mga bisig ang ating nagsilbing kuna at himig nila ang ating naging musika. Sila ang nagsilbi nating mga boses sa mga panahong tayo'y nagsisimula pa lamang matutong magsalita, ang ating nagsilbing mga kamay, ang ating naging mga paa sa mga panahong tayo'y natututo pa lamang maglakad at nagsilbing matitibay na gabay hanggang sa tayo ay matuto. Sila ang ating mga walang sawang mga MAGULANG na handang gawin ang lahat para lamang sa atin at para sa ating kabutihan.

Bilang mga anak, natanong na ba natin ang ating mga sarili kung nagampanan ba natin ng wasto ang ating tungkulin bilang anak sa ating mga magulang? Nasuklian ko ba nang tama ang kanilang mga hirap habang ako'y lumalaki? O di kaya'y naitanong mo ba sa iyong sarili kung naibalik mo ba sa kanila nang wasto ang pagmamahal at pag-aarugang inilaan nila para sa'yo?

ANAK. Isang maikling salita na punong-puno ng buhay. Isang salitang madaling sambitin ngunit mahirap gampanan. Madaling maging anak ngunit mahirap magpakaanak. Minsan naisip ko, paano ba nagsisimula ang pagiging anak? At paano nga ba maging anak? Mga katanungang sa isip ko ay naghahanap ng kasagutan.

Habang tayo'y lumalaki at natututo, sila ang ating nagsilbing mga mentors sa buhay nating ito. Dapat ganito, dapat ganoon, dapat ganyan. Oo lang tayo sa kanila, dahil alam natin, mas alam nila ang buhay.

Ngunit habang tayo'y lumalaki at nagiging malikot, aminin man natin o hindi, minsan mas gusto pa nating kasama ang ating mga friendships, friends, kaibigan, parekoy, brad, tol, buddy, barkada, barkada sa gimik, barkada sa gala, barkada sa inuman at kung anu-ano pang mga barkadahan. Nanjan na ang matuto tayong magsinungaling para makasama sa gala ng barkada, mangupit minsan para may maipangpatak sa inuman at tumakas sa bahay kung di napayagang sumama sa gala ng tropa. Ganyan tayo.

Minsan, habang tayo ay busy sa ating paglaki, minsan nasasaktan na natin sila. Nandyan na ang minsa'y makalimutan o makaligtan natin sila, makasagutan, makatampuhan at minsa'y makaaway. Nandyan ang matuto tayong magrebelde at sawayin ang kanilang mga utos.

Wala namang masama sa ginagawa natin. Tao lang din naman tayo. Di naman tayo perpekto para di magkamali. Kung alam lang ng ating mga magulang na kung gaano rin tayo nasasaktan sa tuwing sasagutin natin sila, na kung gaano rin tayo naguguilty sa tuwing aawayin natin sila. Kung gaano tayo nahihirapan sa tuwing tayo'y magsisinungaling at sasaway sa utos nila. Na sa bawat harapan ng ating mga inuman, minsan sila ang ating mga topic- mga problema natin sa kanila na di natin masabi sa kanila, mga tampo, mga pagmamahal at pasasalamat sa lahat lahat ng mga bagay na ginugol nila para sa atin. Di man nila makita o maramdaman, sa puso nating mga ANAK alam natin na mahal na mahal natin sila. Balig-baligtaran man natin ang mundo, AKO, IKAW, TAYO, ay kanilang mga anak at sila ang ating mga magulang na handa nating ipagtanggol at ipaglaban. Magdaan man tayo sa napakadaming bagyo kasama sila, sa puso nating mga anak, nag-iisa lamang sila.

Kung paano nagtatapos ang ating mga tungkulin bilang mga ANAK, ay 'yan ang kapwa natin hindi alam. Ang alam ko lang, at marahil ay alam nyo rin. Ang pagiging ANAK natin sa ating mga magulang ay walang katapusan. Habang tayo'y nabubuhay at sila'y nabubuhay, tayo'y magiging ANAK sa kanila at sila'y magiging MAGULANG para sa atin.

Saturday, May 29, 2010

Kamusta?

Pssst... Pssst... Oo, ikaw nga! Kamusta ka na?

Matagal na rin ang nakalipas nang huli tayong magkausap. Maraming taon na pala ang nakalipas. Akalain mo, ang bilis ng panahon. Ang laki na ng ating mga ipinagbago. Dati, mga batang-bata pa tayo, ngunit ngayon heto tayo, mayroon nang kanya-kanyang mga landas na tinatahak.

Naaalala mo pa ba nang una tayong magkakila-kilala?

Tama! Unang araw iyon ng eskwela at halos lahat tayo ay excited at kinakabahan. Kapwa hindi magkakakilala at kapwa nagtitimbangan ng loob sa isa't isa. Sa una, nagkakailanganan, ngunit hindi rin nagtagal ay nagkaswak at nagkahulihan ng trip sa buhay. Kaya ngayon, heto tayo, ang dating AKO ay naging IKAW hanggang sa maging TAYO.

Naging simple ang lahat. Naging madali ang komplikado. Basta tayo ay sama-sama, lahat napapagaan natin. Biruin mo, ang dating AKO na nag-iisa at halos walang kakilala ay iyong sinamahan, kaya IKAW na bago kong kakilala ay naging aking kaibigan hanggang sa TAYO ay dumami at naging BARKADAHAN.

Sino nga ba ang makakalimot sa ating mga pinagsamahan? Sa ating mga kalokohan, sa mga tawanan at hagikgikan, sa mga lungkot at iyakan, sa mga away at tampuhan, at higit sa lahat, ang saya kapag tayo ay magkakasama. Wala naman diba?

Sino nga ba ang mag-aakala na sa tinagal tagal ng panahon, heto pa rin ang TROPA, buo at nagkakasama-sama. Mayroon mang mga di pagkakaunawaan at tampuhan minsan, ngunit heto pa rin tayo, mas pinalakas at mas pinatibay ng panahon.


May mga umalis at nawala man, may mga nadagdag at dumating man, ang pakakaibigang ating naitananim ay mananatiling nakaukit sa ating mga puso.
Katulad nga ng lagi kong sinasabi "this is not yet the ending, this is only just the beginning of a beautiful and wonderful relationship".

"THE BEST" talaga ang TROPA natin. Hindi nagkakalimutan, hindi nag-iiwanan, higit sa lahat hindi nagbabago.


Magbago man siguro ang lahat sa atin, pero ang samahang ating binuo ay hindi-hindi magbabago. Saan man tayo dalin ng ating mga pangarap, IKAW, AKO, TAYO... ay mananatiling MAGKAIBIGAN.