Search This Blog

Pages

Tuesday, June 1, 2010

Mga Anak

Sa simula ng iyong unang magisnan ang pait at sarap ng mundong ibabaw ay nagsisimula ang isang tungkuling panghabang buhay nating tutuparin, isang responsibilidad na ating isasabuhay sapagkat tayo'y mga ANAK ng ating mga MAGULANG. Ito ang ating tungkulin- ang maging ANAK sa ating mga magulang.

Sa una nila tayong mapagmasdan sa unang pagkakataon, tuwa at saya ang kanilang naramdaman. Sa bawat pag-uha, kanilang mga bisig ang ating nagsilbing kuna at himig nila ang ating naging musika. Sila ang nagsilbi nating mga boses sa mga panahong tayo'y nagsisimula pa lamang matutong magsalita, ang ating nagsilbing mga kamay, ang ating naging mga paa sa mga panahong tayo'y natututo pa lamang maglakad at nagsilbing matitibay na gabay hanggang sa tayo ay matuto. Sila ang ating mga walang sawang mga MAGULANG na handang gawin ang lahat para lamang sa atin at para sa ating kabutihan.

Bilang mga anak, natanong na ba natin ang ating mga sarili kung nagampanan ba natin ng wasto ang ating tungkulin bilang anak sa ating mga magulang? Nasuklian ko ba nang tama ang kanilang mga hirap habang ako'y lumalaki? O di kaya'y naitanong mo ba sa iyong sarili kung naibalik mo ba sa kanila nang wasto ang pagmamahal at pag-aarugang inilaan nila para sa'yo?

ANAK. Isang maikling salita na punong-puno ng buhay. Isang salitang madaling sambitin ngunit mahirap gampanan. Madaling maging anak ngunit mahirap magpakaanak. Minsan naisip ko, paano ba nagsisimula ang pagiging anak? At paano nga ba maging anak? Mga katanungang sa isip ko ay naghahanap ng kasagutan.

Habang tayo'y lumalaki at natututo, sila ang ating nagsilbing mga mentors sa buhay nating ito. Dapat ganito, dapat ganoon, dapat ganyan. Oo lang tayo sa kanila, dahil alam natin, mas alam nila ang buhay.

Ngunit habang tayo'y lumalaki at nagiging malikot, aminin man natin o hindi, minsan mas gusto pa nating kasama ang ating mga friendships, friends, kaibigan, parekoy, brad, tol, buddy, barkada, barkada sa gimik, barkada sa gala, barkada sa inuman at kung anu-ano pang mga barkadahan. Nanjan na ang matuto tayong magsinungaling para makasama sa gala ng barkada, mangupit minsan para may maipangpatak sa inuman at tumakas sa bahay kung di napayagang sumama sa gala ng tropa. Ganyan tayo.

Minsan, habang tayo ay busy sa ating paglaki, minsan nasasaktan na natin sila. Nandyan na ang minsa'y makalimutan o makaligtan natin sila, makasagutan, makatampuhan at minsa'y makaaway. Nandyan ang matuto tayong magrebelde at sawayin ang kanilang mga utos.

Wala namang masama sa ginagawa natin. Tao lang din naman tayo. Di naman tayo perpekto para di magkamali. Kung alam lang ng ating mga magulang na kung gaano rin tayo nasasaktan sa tuwing sasagutin natin sila, na kung gaano rin tayo naguguilty sa tuwing aawayin natin sila. Kung gaano tayo nahihirapan sa tuwing tayo'y magsisinungaling at sasaway sa utos nila. Na sa bawat harapan ng ating mga inuman, minsan sila ang ating mga topic- mga problema natin sa kanila na di natin masabi sa kanila, mga tampo, mga pagmamahal at pasasalamat sa lahat lahat ng mga bagay na ginugol nila para sa atin. Di man nila makita o maramdaman, sa puso nating mga ANAK alam natin na mahal na mahal natin sila. Balig-baligtaran man natin ang mundo, AKO, IKAW, TAYO, ay kanilang mga anak at sila ang ating mga magulang na handa nating ipagtanggol at ipaglaban. Magdaan man tayo sa napakadaming bagyo kasama sila, sa puso nating mga anak, nag-iisa lamang sila.

Kung paano nagtatapos ang ating mga tungkulin bilang mga ANAK, ay 'yan ang kapwa natin hindi alam. Ang alam ko lang, at marahil ay alam nyo rin. Ang pagiging ANAK natin sa ating mga magulang ay walang katapusan. Habang tayo'y nabubuhay at sila'y nabubuhay, tayo'y magiging ANAK sa kanila at sila'y magiging MAGULANG para sa atin.

2 comments: